Ano’ng ginawa ko kay Sadness?

Nakakabaliw, lalo na kung yung mismong utak mo ang kalaban. Hindi mo man ginusto maging malungkot, tila naging regalo na sa’yo iyon ng mundo. Regalong mas masakit pa sa salitang KAMATAYAN.

Ang sarap bumalik noong mga panahong wala pa tayong iniisip na problema sa mundo. Tipong nalulungkot lang tayo tuwing walang bagong laruan, hindi gusto ang ulam, tinutukso ng kalaro, pinapatulog sa hapon, pinapagalitan sa katigasan ng ulo at marami pang iba. Sana hindi na lang tayo tumanda, kung sakit lang din ang mararamdaman sa hinaharap. Ang sarap tuloy matulog na lang, ‘di ba?

Maraming maaring dahilan ng kalungkutan ng isang tao, yung iba ay panandalian lang, pero yung iba ay panghabang buhay na. Tulad na lang ng sa akin at sayo.

Makirot sa dibdib noong una ko itong maramdaman, hindi ko pa nga alam kung pa-paano alisin iyon. Paulit-ulit ko ring sinusuntok na lang yung dibdib ko sa sakit nito. Sa sobrang sakit ay hindi ko na pansin yung mga luha kong binabasa na ang unan ko. Tapos sabay dumidilim ang paningin ko kahit bukas naman ang ilaw ng kwarto. Ang hirap huminga sa mundong iyon, hanggang sa ang mga dahilan ng mga pagluhang iyon ay unti-unti ng umaalis sa isip ko, subalit ang pagluha at patuloy lang sa pag-agos. Fudgeee! Mas ninais ko na lang mamatay that day.

Nagdaan ang mga araw at sinabi ko sa sarili ko na “Shutaaa tama na! Nakakarami ka na!” Subalit bawat araw na lumipas ay mas lalo lang sumasakit at pakirot ng pakirot na tila kanser na walang lunas. At dahil sa gulong-gulo ang isip ko ay nawala ang lahat. Lahat ng mga bagay na mag-aangat sa akin, yes! Tumigil ako sa pag-aaral, maging ang scholarship ko ay sinuko ko. Nang dahil sa pagiging sarado ng aking utak, nawala ako sa landas na aking tinatahak. Sinubukan ko naman bigyan ng tiyansa ang sarili ko, subalit mas nagiging malala ang aking sitwasyon, kaya sumuko na ako.

Lumipas ang mga taon at nagbago rin ang pakikitungo ko sa mga tao, ang dating masiyahin at palakaybigan ay natatakot na ngayon makipagsalamuha. Mas minamahal ko na yung kalungkutan, yung mga nilalaman ng isip ko, yung madilim na silid ko, yung mundo na nilikha ko para sa sarili ko. Itinigil ko ang pakikidigma at minahal ko na lang siya. Dahil anong laban at pilit kong mawala siya, hindi niya ako iniiwan.

Bawat segundo na lumilipas ay sinisisi ko ang mga tao at mundo sa kalagayan ko. Umabot na sa punto na sa sobrang sakit at hirap ay sinasaktan ko ang sarili ko, upang mabaling lang ang atensyon ko sa nagdurugong sugat ng katangahan at hapdi ng hiwa ng kasalukuyan. Tuwing lumalabas ako’y tila isa akong ligaw na kaluluwa, walang nakakapansin, walang nakakakita. Naglalakad sa kawalan upang bumili lang ng pampalubag sa loob na inumin, KAPE. I drink a lot of coffee! Kape na lang marahil ang nagbibigay lakas sa akin bawat araw na dumarating. Binubuhay ako ng kape pansamantala, emotionally.

Sa ilang taon kong kain, tulog, iyak, sulat at basa at hiwa-hiwa lang, nakakapagod din pala. Sinubukan kong lumabas sa mundo ko, pinasok ang mundo niyo. Nakakilala ng kaibigan na mahilig din pala sa kape. Kung gusto niyo marinig ang kwento na iyon, comment lang at abangan, bahala kayo.

Subalit sa kabila ng masasayang araw ko kasama siya, hindi pa rin nagbago ang ako. Lagi rin nitong sinasabing, “Tama na.” Subalit ako ay may katigasan ulo, gawa ko… hiwa pa. Napalalim din that time, kaya kinailangan kong pumunta sa emergency para ipagamot iyon, good thing hindi na kinailangan tahiin, subalit nag-iwan ito ng malaking marka, hindi lang sa braso ko, kundi sa puso ko. Nagmahal akong muli, subalit maging ang pagmamahal ay walang nagawa upang pigilan ako, may sakit pa rin.

Sabi pa nila, “You need some medical attention.” yeah sige! Papainumin lang naman ako ng pampatulog ng mga iyon at bubutasin ang bulsa ko kahit wala namang laman. Sa lugar natin, mas mainam na sarilihin mo na lang kaysa makaabala sa ibang tao na alam mong hindi ka naman matutulungan. Hindi big deal ang mental health sa panahon na iyon. Tatawanan ka na nga lang kung sinabi mong depress ka sa isang bagay. Attention seeker ka kumbaga. Toxic! Pero ngayong marami ng namamatay at laman na ng balita, todo aksyon naman sila. Tingin ko mahihirapan sila, dahil magaling magtago pagdating sa tao ang mga sinasaktan ng mundo. We can’t blame them, dahil kung gusto nila mabuhay, mabubuhay sila. Tulad ko, sa ngayon.

Hindi ganon kadali magkaroon ng kakambal, lalo na kung naghahati lang kayo sa iisang utak, iisang puso at iisang katawan. Everytime na kasama ko ang taong mahal ko, pakiramdam ko ay third wheel lang siya at ang kalungkutan ay ang aking legal wife, at payag naman siya sa konseptong iyon.

We need someone to love us, not to obligate us. Ikaw lang ang may kakayanang kontrolin ang kalungkutan mo at may isang milyong choice ka. At ako, pinili kong tanggapin ang kalungkutan, para sa tuwing ako’y malungkot, iniisip kong bonding lang namin iyon ng aking kakambal at syempre, tanggap iyon ng aking mahal.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Salamat sa pagbabasa! Marami pa sana akong gustong i-share sa inyo pero sa susunod na lang! Follow my blogs about life and stuff! Depende rin sa gusto niyo. 😻 Stay awesome… and alive! Hmmwuah!